PINAG-AARALAN ngayon ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda “kung paano matutugunan nang sapat sa ilalim ng PhilHealth ang pangkalusugang pangangailangan ng senior citizens lalo ngayong mahal at nakapipilay na gastos sa mga gamot upan higit na maging magaan ang kanilang buhay.”
Naging matagumpay si Salceda sa mga batas na inakda niya sa Kamara na naglalayong lalong palawakin ang mga benipisyo para sa matatanda at persons with disabilities (PWDs) o mga taong may kapansanan ngunit, ayon sa kanya, nahihirapan sila dulot ng patuloy na pagtaas ng mga gastusing pangkalusugan at kakulangan sa pananalapi dahil retirado na sila.
Ayon kay Salceda, “Mga P1.6 milyon o 18 porsiyento ang kailangan para mapunan ang P9.1 trilyon kakulangan sa suporta sa pangangailangan ng seniors, kaya sinisikap nilang matugunan ito para madagdagan ang buwanang P3,000 mayroon ang karaniwan sa kanila, kaya nananatili ang mga 47% ng senior citizens sa matinding kahirapan.”
“Ito ang dahilan kung bakit nagtutulungan kami nina SC Party-list Rep. Rodolfo M. Ordanes, at National Unity Party-list Rep. Alfel Bascug na kumakatawan sa PWDs. Matagal-tagal ko na rin pinagtutuunan ng pansin ang mga isyu kaugnay sa pangangailangan ng SCs, ngunit maraming ‘chronic conditions’ ang sangkot doon na inaatupag ng PhilHealth kaya nangangailangan ito ng suporta,” paliwanag ng mambabatas.
“Ang kakulangan sa pondo para dito ry itinuturing na ‘acute’ o ‘catastrophic health care issue.’ Kung hindi ito matutugunan, malaking suliranin ang idudulot nito sa karaniwang mga pamilya na may matatandang kasapi.
“Lalong bibigat pa ang mga kasong ito na ngayon ay nasa ilalim ng responsibilidad ng PhilHealth. Ang pang-medikal na gastusin na hindi matutugunan ay lalo pang magpapabigat sa karaniwang mga pamilya,” paliwanag ni Salceda.
“Pinag-aaralan ko ngayon ang hiwalay na pondong ‘insurance’ sa ilalim eng PhilHealth para matugunan ito. Naiiba ang ‘risk profile’ nito kaya kailangan ang hiwalay na pondo, bagama’t hindi pa said ang pondo ng naturang ahensiya,” dagdag niya.
Ayon kay Salceda, hindi sapat ngayon ang kakayahan ng DOH (Department of Health) upang matugunan ito.
“Karaniwan ay mayrong P40 bilyong sobrang pondo, bukod sa reserbang pondo ang PhilHealth para tugunan ang higit na agresibong “seniors health insurance system.” Bukod sa reserbang pondo nito. Patungo tayo roon,” aniya.
Sa kasalukuyan, milyon-milyong Filipino, kasama ang mahihirap na matatanda at mga PWD ang ibayong nakikinabang sa mga benepisyong pangkalusugan at iba pa, mula sa isang malayong pananaw na konseptong ipinaloob ni Salceda sa dalawang batas na inakda niya sa Kamara — ang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises’ (CREATE) at ‘Tax Reform for Acceleration and Inclusion’ (TRAIN). (BS)