MA at PA
ni Rommel Placente
NOONG inanunsiyo ni Phillip Salvador na tatakbo siya sa darating na mid-term bilang senador sa ilalim ng PDP-Laban political party ay kaliwa’t kanang batikos ang natanggap niya.
Ayon sa kanyang mga kritiko/bashers, bago raw siya magsilbi sa bayan ay unahin muna niyang padalhan ng sustento ang anak na si Joshua kay Kris Aquino.
May nagsabi pa na hindi ulit mananalo ang action star dahil hindi niya kayang gampanan ang pagiging ama sa anak na si Josh kaya paano niya pagsisilbihan ang bayan?
Sa Showbiz Now Na, na vlog nina Nanay Cristy Fermin, Wendell Alvarez, at Romel Chika na ay ipinagtanggol ng una si Ipe.
Sabi ni ‘Nay Cristy, “Alam n’yo po ganitong-ganito ang narinig nang tumakbo si Sen Robin Padilla. Minaliit, pinintasan at kung ano-ano pa po ang ibinato, ano po ang naganap nang magkabilangan na, number one!
“Kaya huwag po nating unahan, ‘wag po nating mamaliitin si Philip Salvador kasi malay natin na baka ang kapalaran ni Robin ay maging kapalaran din niya, ‘di ba?” sabi ng beteranang manunulat at radio-online host.
Ayon pa kay ‘Nay Cristy, “Heto naman po ay pinakikinggan naman namin ang komento na ‘kung si Joshua nga hindi mo sinusustentuhan ito pa kayang Republika ng Pilipinas ang makaya mong tulungan at suportahan?’
“Marami po tayong kuwento na hindi alam tungkol kay kuya Ipe at kay Kris Aquino at kay Joshua.
“Hindi po ‘yan lantad sa publiko at alam po namin at siguro nga po kapag malapit na talaga ang eleksiyon sasagutin isa-isa ni kuya Ipe ‘yung mga ibinabato sa kanya,” makahulugang sabi ng SNNhost.
“Kung natatandaan pa ninyo mga ka-chika noong magkahiwalay po sina kuya Ipe at si Kris Aquino wala po tayong narinig kay Kris na marahas kagaya niyonh naghiwalay sila ni Mayor Joey Marquez at saka ni James Yap…ang tindi po, pero kay kuya Ipe tahimik ‘no?
“Wala siyang sinabing wala siyang sustento kay Josh, bakit? Kasi po noong mga panahon na ‘yun may pera si kuya Ipe. Mayroon siyang pera hindi siya puwedeng laitin ng kampo ni Kris Aquino.
“Naalala ninyo ‘di ba, ‘pag gumagawa ng pelikula ang mga artista mayroon sa kontrata ang nakalagay na ang TV rights ay akin. Ako ang may karapatan na magbenta ng kopya sa mga TV station (binanggit din ang pangalan ni Sen. Bong Revilla na ganito rin ang deal). Noong nagsasama na sila ni Kris Aquino ay ibinenta niya ‘yan sa isang network at umabot ng P35-M plus, malaki ‘di ba? Kaya hindi puwedeng sabihin ni Kris Aquino na ‘noong magsama kami ay wala siyang (Ipe) pera at ako ang bumuhay sa kanya.’ Hindi po natin naringgan si Kris ng mga ganoong balita kasi hindi naman totoo ‘yun!” aniya pa.
Nabanggit pa ni ‘Nay Cristy na noong nagkarelasyon ang dalawa ay pumayag si Kris na siya’y itakwil ng pamilya, pumayag ding huwag makatanggap ng mana dahil kay Ipe.
Dagdag pa ni ‘Nay Cristy, “Mayroon po kaming alam na kuwento tungkol sa pagkapanganak kay Joshua, siguro po gusto naming sabihing tatlo ngayon pero mas maganda kung manggaling direct from the horse’s mouth kung ano ang unang sapok na naramdaman ni kuya Ipe sa pamilya ni Kris Aquino ng dahil kay Josh.
“At saka ‘yung sinasabing hindi ka na nga nagsusustento, ‘yun pa kayang taumbayan ang asikasuhin mo mayroon po kayong hindi alam na kuwento bukod po roon sa pinagbentahan ng kanyang TV rights ng mga pelikula niya,” sabi pa ni ‘Nay Cristy