PATAY ang dalawang persons deprived of liberty (PDL) habang sugatan ang isa pa, pawang tumakas sa Southern Leyte Provincial Jail (SLPJ) nang tambangan nitong Miyerkoles, 24 Abril.
Naganap ang insidente wala pang apat na oras matapos silang tumakas sa kulungan sa lungsod ng Maasin, lalawigan ng Southern Leyte.
Magkakaangkas sa isang motorsiklo ang tatlong PDL na kinilalang sina Melchor Maceda, 40 anyos; Paul John Seguerra; at Claudio Montilla, 33 anyos, nang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek sa Brgy. Asuncion, sa nabanggit na lungsod, dakong 2:55 ng madaling araw kamakalawa.
Agad binawian ng buhay sina Maceda at Seguerra, habang sugatan si Montilla na dinala sa pagamutan sa lungsod upang lapatan ng atensiyong medikal.
Nabatid na kasong murder ang kinakaharap nina Maceda at Montilla, habang kaso kaugnay ng ilegal na droga ang nakasampa laban kay Seguerra.
Ani P/Sgt. Jierve Laro, officer-on-case ng Maasin CPS, ayon sa ulat ng SLPJ, tumakas ang tatlong PDL mula sa pasilidad sa pamamgitan ng paglagari sa bakod dakong 11:00 ng gabi noong Martes, 23 Abril.
Ayon kay Laro, matapos tumakas, nagtungo ang tatlo sa bayan ng Macrohon, may 20 km ang layo mula sa upang bumisita sa isang kamag-anak.
Habang pabalik ng Maasin, tinambangan ang tatlo ng isang grupo ng hindi kilalang mga lalaking sakay ng isang hindi pa natutukoy na sasakyan.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng bala ng kalibre .45 na pistola.
Nang tanungin kaugnay sa pa posibilidad na hindi talaga tumakas ang tatlong inmate ngunit tinulungang makalabas, sinabi ni Laro na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon tungkol dito.
Aniya, ikinokonsidera nila ang motibo ng paghihiganti at maaaring managot ang mga kaanak ng kanilang mga biktima sa insidente.