ANIM katao ang sugatan, kabilang ang apat na menor de edad makaraang matupok ng apoy ang isang bahay na ginawang pabrika sa Quezon City nitong Lunes.
Sa report ng field office ng National Capital Region ng Bureau of Fire Protection (NCR-BFP), sumiklab ang sunog dakong 4:53 am sa dalawang palapag na bahay sa Barangay Gulod.
Ang apat na mga menor de edad ay sugatan at may mga paso sa mga paa nang tumakas mula sa ikalawang palapag ng nasusunog na bahay.
“Karamihan sa mga sugat nila ay sa paa,” ayon ka Barangay Public Safety Officer Welda Dacio sa isang panayam.
Umabot sa unang alarma ang apoy at naapula bandang 5:29 am, ayon sa ulat ng BFP.
Sa imbestigasyon, nagmula ang apoy sa unang palapag ng bahay na ginawang pabrika ng mga patches ng damit ng may-ari.
Inaalam ang sanhi at pinsala sa nangyaring sunog. (ALMAR DANGUILAN)