Tuesday , December 24 2024

Riders at tricycle drivers, ‘suki’ ng traffic enforcers

YANIG
ni Bong Ramos

KAHABAG-HABAG ang kalagayan ng riders at tricycle drivers dahil sila ay suking hulihin ng traffic enforcers sa Maynila.

Sa rami raw ng mga motorista ay sila lagi ang sinisita sa tuwi-tuwina saan man sulok ng lungsod maging sa mga side street at national road.

Sinabi ng ilang rider, inuumpisahan daw sila sa hindi pagsusuot ng helmet hanggang hanapin na sa kanila ang mga dokumento tulad ng driver’s license, OR-CR, rehistro at marami pang iba.

Matapos maipakita ang mga papeles, violation din daw ang nagmamaneho ng naka-tsinelas, naka-sando at short pants. Hindi raw talaga makalulusot dahil lahat ng butas ay hahanapin.

‘Malulupit’ daw talaga ang mga traffic enforcers partikular ang mga personnel ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nakapuwesto halos sa lahat ng mga sulok at kanto ng siyudad.

Kung minsan nga raw ay nakakubli upang ‘di makita, bigla na lamang susulpot kapag may nilabag kang traffic violation. Taguan-pong daw ang laro.

Pera-pera lang anila ang ginagawang paninita ng mga enforcer dahil wala naman daw iniisyung citation ticket upang sa city hall mo tubusin ang iyong lisensiya.

Meron naman daw ibang enforcer na kukunin ang iyong lisensiya at sa kanila mo rin ito tutubusin segun sa nalabag na traffic violation at pinag-usapan.

May iba naman grupong kung tawagin ay pangka-lahatan. Ang mga kompiskadong lisensiya ay iniipon at sasabihin na lang sa inyo ang lugar kung saan sila ta-tagpuin. Dito na rin daw ang tubusan. Hehehe…

Kung minsan daw ay inuunawa na lang nila ang kalagayan nito dahil wala naman daw permanenteng sahod at tanging allowance lang ang inaasahan. E saan nga naman kukuha ng pangkain ang kanilang mga pamilya?

Napag-alaman na may kota at porsiyentohan lang ang laban kung kaya’t walang ibang gagawin kundi manghuli ng marami upang may kitain.

Ilan din ang nagsasabi na mismong ang buong departamento ng MTPB ay inoobliga rin ng city hall na mag-entrega ng kung ilang milyon kada linggo, may kota rin pala.

Ang MTPB daw ang milk and honey ng buong city hall. Dito daw iniaasa ang lahat ng gastos at pang-gastos ng ilang opisyal.

Dahil nga sa obligasyong iniatang sa kanila, hindi rin maiiwasan ang mang-huli o di kaya’y humatak ng mga motor at tricycle na nasa kalsada.

Umaandar man o nakaparada lang, siguradong ito ay dadalhin at obligadong tutubusin sa kanilang mga impounding area. Pinakamababang gastos dito ay P1,000 segun pa rin sa bigat ng iyong violation na nilabag.

Maging sa mga itinalagang police checkpoints ay walang ibang sasakyang sinisita kundi mga motorsiklo, tricycle, at pedicab.

Kawawa rin naman talaga ang kanilang tadhana dahil bukod sa abala ay gagastos pa rin sila imbes pang-kain na lang ng kanilang mga pamilya.

Bakit nga naman puro na lamang sila ang napag-didiskitaan na ang madalas na nagiging kaso ay obstruction at illegal parking.

Kung ito nga naman ang pagbabasehan, bakit daw hindi hinuhuli o sinisita ang mga naglalakihang container van na nakaparada kung saan-saan.

Pumasyal daw kayo sa mga lugar ng Road 5, Road 10, Moriones, Port Area at marami pang iba upang saksihan ang parking lot ng mga sinasabing container vans.

Maging ang tulay ng Del Pan ay halos mapuno ng container van na ubod nang laki, Ito nga naman ang tunay na obstruction kung saan maraming motorista ang naaabala.

Huwag sanang palagi na lang mga motor at tricycle ang ating aabalahin at gagawing palabigasan habang panahon.

Bakit nga ba hindi masaling ang mga higanteng mga van at truck na nakahambalang sa mga national road at highway, M A G K A N O?

About Bong Ramos

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …