SHOOT sa selda ang dalawang drug suspects matapos makuhaan ng halos P200,000 halaga ng droga nang
matimbog ng pulisya sa isinagawang buybust operation sa Valenzuela City, Martes ng madaling araw.
Kinilala ni Valenzuela City police chief, P/Col. Salvador Destura, Jr., ang mga naarestong suspek na sina alyas Nelson, 54 anyos, residente sa Coloong 2, at alyas Peter, 34 anyos, technical crew, residente sa Brgy. Rincon, ng nasabing lungsod.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/EMSgt. Restie Mables, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Ronald Sanchez ang buybust operation laban kay Nelson matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Dakong 1:50 am nang tanggapin ni Nelson ang isang markadong P500 bill kasama ang apat pirasong P1,000 boodle money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba sa tapat ng kanyang bahay, kasama si Peter.
Nakompiska sa mga suspek ang nasa 27 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P183,600, buy bust money, P150 recovered money, dalawang cellphone, at isang motorsiklo.
Kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26 under Article 2 of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isasampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)