SUGATAN ang isang kapitan ng barangay matapos pagbabarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo sa harap ng isang barangay hall sa Santa Maria, Bulacan, Biyernes ng gabi.
Sa ulat na ipinadala ni Police Lt.Colonel Voltaire Rivera, hepe ng Santa Maria Police Station (MPS} kay Police Colonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang biktima ay kinilalang si Juan Rosillas y Alonzo, 59, barangay captain ng Brgy. Mag-asawang Sapa, Santa Maria, Bulacan.
Ang suspek sa krimen ay dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na magkaangkas sa isang itim na single motorcycle na kasalukuyang tinutugis ng pulisya.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ng Santa Maria MPS at ayon na rin sa salaysay ng biktima, dakong alas-8:30 ng gabi, habang siya ay nakatayo sa labas ng barangay hall ng Mag-Asawang Sapa ay biglang dumating ang mga nakamotorsiklong suspek at kaagad siyang pinaputukan.
Dalawang sunod na putok ang tumama sa kaliwang tiyan ng biktima habang ang mga suspek na matapos isagawa ang krimen ay nagmamadaling tumakas papunta sa hindi pa malamang direksiyon.
Mabilis namang isinugod ang biktima sa Rogaciano Memorial Hospital sa Barangay Poblacion, Santa Maria at kalaunan ay inilipat sa Bulacan Medical Center sa City of Malolos Bulacan para sa medical treatment .
Samantala, ang Santa Maria MPS ay agad na humiling ng dragnet operation sa Bulacan Provincial TOC para sa activation ng Dragnet Operation Bulacan Shield Alpha para sa ikadarakip ng mga suspek. (MICKA BAUTISTA)