PINASINAYAAN ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas sa pangunguna nina Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang bagong 11 funeral chapels sa loob ng Public Crematorium and Columbarium sa Barangay Ilaya nitong Huwebes, 25 Enero.
Sinabi ni Mayor Aguilar, ang inagurasyon sa mga bagong funeral chapel ay pagpapalawak ng mahahalagang serbisyo ng lokal na pamahalaan para sa mga residente lalo sa mga nangangailangan at kapos sa buhay.
Inihayag ng alcalde, ang columbarium ng Las Piñas ay may kabuuang 3,500 niches o nitso na kayang i-accommodate ang 14,000 urns.
Binigyang-diin ni Mayor Aguilar, ang mga bagong bukas na chapel ay ginawang “friendly” sa persons with disabilities (PWDs) sa pamamagitan ng paglalagay ng rampa sa likod ng columbarium ng lungsod para sa mas madaling access sa panahon ng burol o pagbisita sa kanilang namayapang mahal sa buhay o kamag-anak.
Ang columbarium ng Las Piñas sa kasalukuyan ay nakapag-cremate ng kabuuang 1,200 labi sa pamamagitan ng dalawang makina na kayang magsunog ng apat na labi kada araw.
Sa kasagsagan ng pagpapasinaya, nagbigay-pugay ang alkalde at inalala nito ang yumaong asawa na si dating Mayor Vergel “Nene” Aguilar na naglunsad ng “Libreng Libing” project para maibsan ang pasaning pinansiyal ng mga maralitang residente ng lungsod.
Idinagdag ni Aguilar na ang “Libreng Libing” program ay kabilang ang paggamit nang libre sa isa sa 11 bagong gawang chapel sa columbarium sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi na pananatili para sa burol ng kanilang namayapang mahal sa buhay. (EJ DREW)