PITONG naglalako ng droga at isang wanted person ang inaresto ng mga tauhan ng Bulacan police sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan hanggang kahapon ng umaga.
Batay sa ulat kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, nakasaad na nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga operatiba ng Meycauayan CPS, San Rafael, at Pandi MPS na nagresulta sa pagkakaaresto sa pitong tulak ng droga.
Nakompiska sa mga suspek ang kabuuang 10 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 2.7822 gramo, may halagang P18,918, at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa suspek ang inihahanda na para sa pagsasampa sa korte.
Samantala, ang manhunt operation na isinagawa ng tracker team ng Guiguinto MPS ay nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 21-anyos lalaking wanted person sa bisa ng Warrant of Arrest para sa paglabag sa R.A. 10883 (ang bagong Anti-Carnapping Act of 2016).
Ang naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Guiguinto MPS para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)