Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
KOLORUM na ang mga unconsolidated na mga jeepney na bibiyahe sa mga kalsada at nabigong makipag-kooperasyon sa mga kooperatiba at mga kompanya ang mga operators at drayber na hindi nag-aplay ng konsoludasyon ng kanilang prangkisa.
Hanggang katapusan na lamang bibiyahe ang mga unconsolidated jeepney, pero pahihintulutan pa rin ang mga ito na mag-aplay pero mananatili silang kolorum habang hindi nag-aaplay.
Sa ilang jeepney operators na ating nakapanayam, mabigat para sa kanila ang halagang ibabayad sa panibagong prangkisa nito dahil ito ang inaasahan nilang bumubuhay sa kanilang pamilya. Itago natin sa pangalang Mang Pedring na dalawa lang umano ang kanyang jeep at ang boundary fee na binibigay ng kanyang jeep ay para sa pag-aaral ng kanyang dalawang anak sa kolehiyo. Iba naman ang drama ni Aling Lucia, na ayon sa kanya binili nila ang may limang taon nang jeep nila at nagbayad ng mahal sa prangkisa nito para pantawid-gutom at pag-aaral ng kanyang limang anak.
Iba-ibang drama ang maririnig sa mga drayber at operators. Subali’t bingi ang pamahalaan sa kanilang hinaing. Hindi pipi, sa halip ay lalong lumalakas ang boses ng gobyerno para ituloy ang kanilang mga plano! “Paano na kami?” tanong ng nasabing Ale.
Kaugnay nito, abangan na lang natin ang pagwawala ng mga apektado pero teka, tila may banta ng malawakang protesta ang grupo ng MANIBELA, pero ayon sa impormasyon higit na mas marami ang bilang ng mga nag-aplay na kesa sa hindi nag-aplay kaya ganoon na lamang ang pagpupursige ng gobyerno!