INARESTO ng mga tauhan ng PRO 3 ang tatlo sa mga most wanted persons sa rehiyon na suspek sa mga kaso ng panggagahasa at kahalayan nitong Biyernes, 5 Enero, sa iba’t ibang lugar ng Central Luzon.
Unang nadakip ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group (RSOG3) ang suspek na kinilalang si Joebert Blancia alyas “Jokjok” para sa kasong panggagahasa sa bayan ng San Remegio, lalawigan ng Antique.
Gayundin, nasakote ang mga suspek na sina John Vincent Hernandez, sa bayan ng Candaba, para sa tatlong bilang ng kasong panggagahasa; at Edmond Cubacub sa bayan ng Lubao, parehong sa lalawigan ng Pampanga, para sa kasong Acts of Lasciviousness.
“Ang mga pag-arestong ito ay nagbibigay-diin sa pangako ng aming mga tropa sa paghuli sa mga nangungunang pugante at pagtiyak ng hustisya para sa mga biktima,” pahayag ni PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr. (MICKA BAUTISTA)