HUMANTONG sa matagumpay na pagkakadakip sa isang most wanted person (MWP) at iba pang wanted na kriminal ang operasyon ng pulisya sa Bulacan kamakalawa hanggang kahapon ng umaga.
Una, ang maigting na pursuit operation ng tracker team ng San Miguel MPS, na nagresulta sa matagumpay na pagkakadakip kay Gilbert Victoria na nakatala bilang No. 1 MWP – Municipal Level sa Brgy. Biclat, San Miguel, Bulacan.
Nag-ugat ang pag-aresto sa akusadop sa warrant of arrest na inilabas ng Presiding Judge ng RTC, Third Judicial Region, Branch 83, City of Malolos, Bulacan, kaugnay sa paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition).
Samantala, sa operasyong inilatag ng tracker team mula sa 1st at 2nd PMFC, Norzagaray, Calumpit, CSJDM, at Guiguinto C/MPS ay humantong sa pag-aresto sa 18 indibiduwal na pinaghahanap ng batas dahil sa iba’t ibang krimen at pagkakasala, batay sa mga warrant na inilabas ng korte.
Ang mga naarestong indibiduwal ay kasalukuyang nakakulong sa kani-kanilang yunit/estasyon ng pag-aresto habang nakabinbin ang proseso.
Ayon kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang walang humpay na pagtugis ng pulisya sa mga wanted na kriminal ay sumasalamin sa kanilang pangako sa mandato ni RD, PRO3 P/BGeneral Jose S. Hidalgo, Jr., sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Gitnang Luzon. (MICKA BAUTISTA)