HINIKAYAT ng grupong Political Officers League of the Philippines (POLPhil) ang mga progresibong organisasyon na magsama-sama at lumikha ng ‘adyenda ng bayan’ para sa ganap na tunay na kapayapaan na mapapakinabangan ng bawat mamamayan at ng mga susunod na henerasyon.
Ayon kay Noel Medina, POLPhil NCR Vice President, “hindi namin tinutuligsa ang pagsisikap ng opisyal ng pamahalaan at kinatawan ng National Democratic Front sa hangarin ng pagbubukas ng usapang pangkayapaan. Tanging hangad namin ay makalahok ang malawak na mamamayan sa usapang pangkapayapaan na pangunahing apektado ng armadong tunggalian.
“Sa armadong tunggalian ng mga sundalo ng gobyerno at mga rebelde, ang mga sibilyan ang pangunahing apektado, na inilalagay ang kanilang buhay sa panganib at naliligalig din ang kanilang mga kabuhayan.”
Sa mga ulat, ang naganap na usapang pangkayapaan ng magkabilang panig — GRP at kinatawan ng NDF — ay lumawig ang usapin hinggil sa pananagutan at katarungan, kaya’t pareho nilang iginigiit ang kani-kanilang mekanismo upang harapin ang mga paglabag sa mga batas kaya’t hindi umuunlad ang kasunduan sa kapayapaan.
Sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay mas inuna niya ang kampanyang “war on drugs” na nagdulot ng libo-libong pagkasawi ng mga pinaghihinalaang pushers at users ng ilegal na droga.
Iminungkahi ng POLPhil, ang prosesong pangkapayapaan ay dapat na may malawak na pagkakaisa ng lahat ng peace stakeholders, na umaakit sa pinakamalawak na abot ng mga puwersang pampolitika, tagapagtaguyod, at mga organisasyon.
Ang pagsasama ng mga progresibong puwersa na nakikibahagi sa deka-dekadang pakikibaka para sa isang paraan ng pamumuhay na angkop sa mga mamamayan ay dapat magkusa para itulak ang ideya ng ganap na makataong dignidad para sa bawat Filipino.
Anila, ang mga stakeholder ay dapat maging bahagi tungo sa katuparan ng kapayapaang hahantong sa paglukso ng Filipinas sa isang bagong kinabukasan at isang bagong salaysay ng kapayapaan, at napapabilang na pambansang pag-unlad.
Ang POLPhil ay isang asosasyon ng mga dating aktibista, dating opisyal ng military, at mga mandirigma ng kalayaan mula sa pinakamalawak na spectrum, na patuloy na umuunlad sa bansa at sa iba’t ibang teritoryo, ay naniniwala na ang kapayapaan ay napakatagal nang hinihintay.
Ayon kay Rudy “Kid” Cañeda, POLPhil acting National President, “nakamit natin ang kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan ng pinakamalawak na partisipasyon ng ating mga kapatid na Muslim, mga katutubo at mga naninirahan sa timog. Ngayon ang pagkakataong itaguyod ang kapayapaan sa kabuuan ng bansa ay nasa atin muli. Ngunit, anomang pagsisikap na makamit ang kapayapaan na may katarungan ay dapat makipag-ugnayan sa pinakamalawak na stakeholder.”
“Kapayapaan para sa lahat, hindi para sa iilan,” ipinunto ng grupo.
“Ang pagpapairal ng tamang prosesong pangkapayapaan ay dapat na tinatalakay ang pangunahing agenda ng mamamayan, na tumutugon sa mga ugat ng tunggalian, kahirapan, kawalan ng kapangyarihan, hustisya, seguridad sa pagkain, trabaho, mga pagkakataon para sa makabuluhang edukasyon, at pakikilahok sa gobyerno,” ani Cañeda.
“Sa pag-usad ng agenda ng kapayapaan sa malawak na partisipasyon ng sektor ng lipunan ay masasabing walang puwang para kutyain at tutulan ang kapasyahan ng mamamayan gayondin ang pagkutya sa desisyon ng administrasyong Ferdinand Marcos, Jr., sa pagbubukas nito ng usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista, na isinalarawan ni Vice President Sarah Duterte ang hakbangin bilang isang ‘kasunduan sa diyablo’,” pahayag ng POLPhil.
Ngayong linggo ay nakatakdang ganapin ang isang pulong pambalitaan, sa inisyatiba ng POLPhil na lalahukan ng iba’t ibang personalidad sa politika, dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan, retirado at aktibong mga sundalo, mga lider ng ibat’ ibang political blocs na nabibilang sa progresibo, moderado, at konserbatibong hanay at mga kilalang peace advocates upang itayo ang Broad Unity of all Peace Stakeholders. (TEDDY BRUL)