TINATAYANG halos dalawang milyong pisong halaga ng marijuana ang nasamsam at walong durugistang tulak ang naaresto sa isinagawang anti-criminality operations ng pulisya sa Bulacan kamakalawa Disyembre 7, 2023.
Sa ulat na isinumite kay P/Lt/Colonel Jacquiline P. Puapo, officer-in-charge ng Bulacan PPO, nakasaad na dakong alas-11:20 ng gabi nang matagumpay na nagkasa ng drug sting operation ang San Jose Del Monte City Police Station {CPS} sa Blk-3, Brgy. Gumaoc East, City of San Jose Del Monte, Bulacan.
Sa isinagawang operasyon ay nakumpiska ang humigit-kumulang 15 kilo ng pinatuyong dahon marijuana, na may Standard Drug Price na (SDP) na humigit-kumulang Php 1,800,000, kasama ang markadong pera at isang piraso ng coin purse.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa mga suspek ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte.
Ayon kay P/Lt.Colonel Puapo, ang hindi natitinag na pangako ng Bulacan PNP na labanan ang kriminalidad at panatilihin ang kaligtasan ng publiko sa lalawigan ay makikita sa pinaigting na operasyon ng pulisya, sa gabay ni Regional Director PRO3 PBGeneral Jose S. Hidalgo Jr.
Aniya pa, ang mga matagumpay na operasyon ay isang patunay ng dedikasyon at pagiging epektibo ng pagpapatupad ng batas sa pagsugpo sa mga aktibidad ng ilegal na droga at paghuli sa mga wanted na kriminal. (MICKA BAUTISTA)