ni Rommel Sales
WINAKASAN ang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti ng isang 27-anyos mangingisda dahil sa labis na depresyon sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Gamit ng biktimang si alyas Nel ang kadena ng kanilang aso para ipulupot sa kanyang leeg at itinali ang dulo sa pamakuan ng kisame sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Tanza 1 kaya’t lagot na ang hininga nang madiskubre ng kanyang ina dakong 7:00 pm.
Batay sa ulat ni P/Cpl. Melgazar Buising, may hawak ng kaso, mistulang nawalan ng pag-asa sa buhay ang binatang biktima nang hindi na siya payagan ng mga dating kasamahan na sumakay ng bangka at makapamalaot para mangisda mula nang mahumaling sa ilegal na droga.
Sa panayam kay Cpl. Buising, kalalabas sa piitan ng biktima matapos makulong dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga kaya’t ipinasiya niyang muling bumalik sa pangingisda bilang hanapbuhay.
Gayonman, tumanggi ang mga dati niyang kasamahang mangingisda na isama siya sa pamamalakaya kaya’t nagsimula nang dumanas ng depresyon.
Walang nakitang foul play ang pulisya sa nangyaring pagpapatiwakal bagama’t handa pa rin silang magsiyasat kung hihilingin ito ng pamilya ng biktima.