MULING naglunsad ng welga sa kalsadaang mga jeepney drivers sa ilalim ngPagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) kahapon Lunes, 20 Nobyembre, upang tutulan ang ‘deadline’ ng pamahalaan hanggang 31 Disyembre 2023, na pag-isahin o ikonsolida sila sa pamamagitan ng kooperatiba sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ang tatlong-araw na welga ng PISTON ay nagpapakita ng indikasyon na maraming tsuper at operators ng jeepney ang hindi pabor sa konsolidasyon, dahil mas mababa sa 60% ng traditional jeepney ang lumahok sa PUVMP.
Batay sa datos ng pamahalaan, tanging 95,869 mula sa 170,086 jeepney units sa buong bansa – o 56.37% – ang consolidated hanggang nitong 31 Oktubre 2023, mula nang ito ay maigting na isinulong ni dating Presidente Rodrigo Duterte noong 2017.
Bagamat iginigiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang programa ay hindi naglalayong tanggalin ang tradisyonal na jeepney, bagkus ay i-upgrade ang mga bahagi nito upang maging environment-friendly ngunit hindi kombinsido ang PISTON. (ALMAR DANGUILAN)