ni Allan Sancon
MATAPOS ang matagumpay at blockbuster horror film na Deleter at Mary Cherry Chua, muli na namang gumawa ang Viva Films ng kaabang-abang na horror-suspense-thriller movie, ang Marita na hango sa tunay na buhay ng dating stage actress noong 1970 na si Marita na nagpakamatay.
Gagampanan ni Rhen Escaño ang role ni Marita. Medyo challenging ang role na gagampanan ni Rhen sa pelikulang ito dahil bukod sa prosthetics na inilagay sa kanya ay medyo mabigat ang karakter ni Marita sa movie na ito. Siya mismo ay natakot sa kanyang itsura nang isuot na sa kanya ang kanyang prosthetics.
Ikinuwento ni Rhen na hindi siya matatakutin na tao pero sa naranasan niyang kakatwang experience sa set ng Marita ay natakot siya nang husto.
“Noong shooting namin ng isang eksena, nasa itaas kami na part, then walang ilaw sa ibaba pati roon sa itaas na pinag-syutingan namin. May kaunting ilaw lang galing sa mga pinto pero totally dark ang set. Bigla akong napatingin sa ibaba, nagulat ako na may dumaan talaga na naka-white, ang weird niyon, kasi pati ‘yung cameraman na kasama ko napatingin din sabay naming nakita ‘yung multo na nakaputi. Ibig sabihin, ‘di ko lang guni-guni ‘yun dahil dalawa kaming nakakita eh,” kuwento ni Rhen.
Sa trailer pa lang ng pelikula ay talaga namang nakatatakot at nakagugulat na ‘yung nga eksena, kaya tiyak aabangan ang pelikulang ito.
Makakasama ni Rhen sina Louise delos Reyes, Ashtine Olviga, Andrea Barbierra, Yumi Garcia, Ethan David, Taneo Sebastian, Tess Dumpit-Michelena, Sara Joe, JD Axie, at Neil Tolentino. Written and directed by Roni S. Bernaid na ipalalabas na ngayong November 22, 2023 in cinemas nationwide.