NAGLUNSAD ng programang “Adopting a farmer” si Congressman Rodante Marcoleta ng Sagip Party list at naglalayong matulungan ang mga naghihikahos na magsasaka sa buong bansa.
Ito ay upang maiwasan din ang pananamantala ng mga hoarder at smuggler na umano’y nasa likod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.
“Kapag may pagmamahal ka talaga, hindi mo na titingnan kung kikita ka. Ang titingnan mo na lang ay maibalik sa puhunan ng sa ganoon, mapaikot mo at maraming matulungan,” ayon kay Marcoleta.
Binanggit din nito na ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang kanyang programa na nakalinya umano sa adhikain ng huli na mabigyan ng sapat na pagkain ang mga Pilipino.
Inilunsad ang proyekto sa Bacolor, Pampanga noong Oktubre 22 at ang bigas ay may itinakdang presyong P35/kilo. Ito ay well-milled na dinorado, mas mababa ng P17 ang presyo kaysa mga nabibili sa palengke.
“Gusto nga niya (Marcos) ay magtagumpay tayo sapagkat ito naman talaga ang adhikain niya kaya nga nagkaroon ng price cap kahit alam niyang mahirap,” ani Marcoleta.
Daan-daang mga consumer ang pumila para sa murang bigas at may limang kilo lamang ang maximum na ibinebenta bawa’t pamilya upang lahat ay mapagbigyan.
Ang programa ay batay na rin sa layunin ni Marcos na mabigyan ng sapat na pagkain ang mga mamamayan at mahikayat ang mga negosyante sa bansa na mamuhunan kahit walang tubo dahil ito lang umano ang paraan upang matulungan ang mga magsasaka, mga mamamayn at ang pamahalaan.
“Gumagawa ng paraan ang ating Pangulo pero kailangan natin siyang tulungan. Hindi puwedeng lagi na lang ang gobyerno ang humahanap ng interes para sa bayan,” ayon sa kinatawan ng Sagip Party list.
Ito ay bilang tugon na rin ng local businessman na si Tony Marfori at mga miyembro ng Pampanga Chamber of Commerce na silang bumili ng palay mismo mula sa mga magsasaka ng mas mahal ng P3 kaysa pagbili ng National Food Authority (NFA). Ang produkto ay pinapatuyo, ipinapagiling at ibinebenta ng mas mura sa mga mamamayan.
“Ang bigas na ito ay dinorado. Talagang napakasarap at ang presyo nito sa palengke ay P52-P55 per kilo,” ayon kay Marfori. (NELSON SANTOS)