BINAWIAN ng buhay ang isang indibidwal matapos matupok ng apoy ang sinasakyang bangkang nakaangkla sa pantalan ng lungsod ng Batangas nitong Linggo, 22 Oktubre.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard – District Southern Tagalog (PCG-DST), nasunog ang bangkang Motor Tanker Sea Horse dakong 9:00 am kahapon habang nakahimpil sa anchorage area sa Brgy. Wawa, sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa post ng PCG-DST sa Facebook, isa ang naitalang namatay sa insidente at patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang pinagmulan ng sunog.
Samantala, nagtulong-tulong ang mga tauhan ng PCG at lokal na mga bombero, gamit ang tatlong tugboat upang maapula ang sunog.
Idineklara ng mga awtoridad na tuluyang naapula ang sunog dakong 11:08 am.
Hindi binanggit sa ulat ni PSG-DST kung anong kargamento ang lulan ng bangka.
Sa kabila nito, sinabi ng ahensiyang katuwang ng Marine Environmental Protection Group Batangas sa Petron, para sa “standby oil spill boom” bilang paghahanda sa posibleng oil spill.