Nasawi ang isang kawani ng barangay matapos tumilampon at magulungan ng bus na nakatagis sa sinasakyang multi-cab sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa ng umaga.
Sa ulat na ipinadala ng San Jose del Monte City Police Station {CPS} kay Police Colonel Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang biktima ay kinilalang si Angelica Catague y Nofies, 26. dalaga, barangay secretary at residente ng B A-3 L12, Kamagong St., Road 2, Brgy. Minuyan I, San Jose del Monte City, Bulacan.
Dinakip naman at nakakulong sa SJDM CPS custodial facilty ang suspek na kinilalang si Joseph Olpindo y Sepnio, 41, driverat naninirahan sa 3390 San Isidro Camarin D., Caloocan City, na ngayon ay nahaharap sa krimeng Reckless Imprudence resulting in damage to property at kasong Murder gamit ang sasakyan.
Sangkot sa insidente ang mga sasakyang Suzuki multi-cab na barangay patrol ng Minuyan I at minamaneho ni Romulo Mendez y Denoso at UD Bus Truck na nakarehistro sa Magic Line Transport Cooperative na minamaneho naman ng suspek na si Olpindo.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na habang binabagtas ng dalawang sasakyan ang EVR Road sa Brgy. Minuyan ay tinangkang mag-overtake ng bus sanhi upang matagis nito ang kaliwang rear bumper ng multi-cab.
Sa lakas ng pagkakatagis ay tumilampon sa kalsada ang biktima kaya nagulungan ng kanang bahagi ng gulong ng bus ang kanyang ulo na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Tinangka pa ng suspek na tumakas sa lugar ng insidente subalit tinugis siya ng mga concerned citizens at motorista hanggang dumating ang respondeng mga awtoridad mula sa PCP 5 at siya ay naaresto.
Ang bangkay ng biktima ay dinala sa King Billy Funeral para sa naaangkop na disposisyon habang ang pamilya ay hindi na kinailangan ang autopsy examination.{Micka Bautista}