Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos ireklamo ng pagpapaputok ng baril sa kaalitang kapitbahay sa Paombong, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, arestado ang suspek na kinilalang si Juanito Pajenmo, 41, negosyante ng Blk 27 Lot 17 Northville 4-B Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan.
Batay sa ulat ng Paombong MPS, ang biktima na Maria Cristina Bautista y Bautista, 33, isa ring negosyante at residente ng Sitio Mahabang Labak, Brgy. San Isidro 2, Paombong, Bulacan at ang suspek ay magkapitbahay sa Brgy. San Isidro 2.
Napag-alaman na habang nasa kanyang fishpond ang biktima sa nabanggit na barangay ay bigla na lamang nagpaputok ng baril ang suspek na walang kadahi-dahilan.
Sa naramdamang pangamba sa kanyang buhay ay nagreklamo ang biktima sa Paombong MPS na kaagad umaksiyon na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek.
Nakumpiska sa kanya ang isang .45 caliber Rock Island Pistol, magazine na may anim na bala at isang basyo.
Nasa kustodiya na ng Paombong MPS ang suspek na nahaharap ngayon sa mga kasong Alarms and Scandal at paglabag sa RA10591 kaugnay sa umiiral na Omnibus Election Code.{Micka Bautista}