Sa sunod-sunod na pagkilos ng mga tauhan ng Bulacan PNP ay nadakip ang ilang lumabag sa batas at nakakumpiska ng baril, shabu at marijuana sa operasyong isinagawa hanggang kahapon ng umaga.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, sa operasyong ikinasa laban sa iligal na droga sa Pandi, Bulacan ay naaresto ang dalawang indibiduwal sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Omnibus Election Code (OEC).
Ang mga naarestong suspek na kapuwa kabilang sa drug watchlist, ay nakumpiskahan ng apat na pakete ng shabu at pakete ng marijuana, gayundin ng caliber .38 revolver na may dalawang bala.
Samantala, sa San Jose Del Monte (SJDM) City, arestado ang isang suspek sa kasong Illegal Possession of Firearms and Ammunition (RA 10591) alinsunod sa umiiral na COMELEC gun ban.
Inaresto ang suspek batay sa tip ng concerned citizen na may kahina-hinalang tao na may dalang baril sa Grotto Vista area sa Brgy. Graceville, kung saan nakumpiska sa kanya ang isang caliber.22 revolver na kargado ng limang bala.
Sa ikinasa namang drug buy-bust operation ng Plaridel MPS ay nagresulta sa pagkakumpiska ng Php 34,000 – Standard Drug Price ng pinaghihinalaang shabu at marked money mula sa drug dealer sa Parulan, Plaridel.
Gayundin, isang Street Level Individual (SLI) drug suspect ang arestado ng mga operatiba ng Calumpit MPS sa drug sting operation sa Gatbuca, Calumpit.
Apat na pakete ng pinaghihinalaang shabu, na may halagang Php 6,800 – SDP at marked money ang nakumpiska sa suspek.{Micka Bautista}