DINAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos ipagyabang ang bitbit na baril sa isang beerhouse sa bayan ng Bocaue, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado ng umaga, 14 Oktubre.
Sa ulat na ipinadala ng Bocaue MPS kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nabatid na residente ng Brgy. Macatmon, Cabanatuan, Nueva Ecija ang inarestong 34-anyos suspek.
Napag-alamang naganap ang insidente dakong 1:25 am kamakalawa sa Niel Restobar na matatagpuan sa McArthur Highway, Brgy. Lolomboy, sa nabanggit na bayan.
Nabatid sa imbestigasyon ng Bocaue MPS, ipinagbigay-alam ng may-ari ng nasabing bar sa mga operatiba na nagpapatrol sa lugar na isa sa kanilang mga kostumer ay naglabas ng baril mula sa kanyang sling bag at inilapag ito sa mesa.
Sinasabing tila ayaw magbayad ng nasabing kustomer at tinatakot ang may-ari ng beerhouse sa pamamagitan ng pagpapakita ng baril.
Sa takot ng may-ari na magpaulan ng bala ang suspek ay agad siyang humingi ng saklolo sa nagdaraang police patrol na nagresulta sa pagkaaresto ng huli.
Nakompiska ng mga nagrespondeng pulis mula sa suspek ang isang Armscor cal. 9mm pistol at isang magasin na kargado ng pitong bala.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bocaue MPS ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591 o Ilegal possession of Firearms and Ammunitions at Omnibus Election Code o Gun Ban. (MICKA BAUTISTA)