DALAWANG babaing residente sa Bulacan at kasabuwat nila sa pagtutulak ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat mula sa director ng Philippine Drug Enforcement Agency {PDEA} sa Region 3, ang mga arestadong suspek ay kinilalang sina Nerissa Sarmiento y Santos alyas Joan, 48, residente ng 228 Brgy. Perez; at Lecil May Ladjahasan y Largo, 47, na residente naman ng Brgy. San Francisco Kapulid, kapuwa sa Bulakan, Bulacan; at kasabuwat nilang si Adin Ismael y Aklabul, 5, na residente ng 19 A Basilian St., Salam Compound, Brgy. Culiat, Quezon City.
Ayon sa ulat, naaresto ang tatlo sa ikinasang buy-bust operation sa isang mall open parking lot sa North Avenue, corner Edsa, Brgy. Pag-asa, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa mga suspek ang 75 gramo ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may street value na PhP510, 000.00 at marked money na ginamit ng undercover agent.
Napag-alaman mula sa mga awtoridad na ang tatlo ang itinuturong sangkot sa bulk distribution ng shabu sa ilang bayan sa Bulacan at Quezon City.
Ang nasabing operasyon ay magkatuwang na ikinasa ng magkatuwang na mga ahente ng PDEA Central Luzon, PDEA NCR at mga tauhan ng PNP.
Kasong paglabag sa section 5 ( sale of dangerous drugs) kaugnay sa 26B (conspiracy to sell) ng Republic Act 9165 ang isasampa laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)