DINAKIP at ikinalaboso ng mga awtoridad ang isang ama matapos na tangkaing barilin ang anak na dalagita sa Pandi, Bulacan kamakalawa.
Ayon sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang inarestong suspek ay residente ng Brgy. Malibo Matanda, Pandi, Bulacan.
Napag-alamang may concerned citizen na nagsumbong sa mga awtoridad sa Pandi Municipal Police Station {MPS} na may nagaganap na kaguluhan sa nabanggit na lugar.
Kaagad nagresponde ang mga operatiba ng istasyon at nang dumating sila sa lugar ay sinalubong sila ni “Alyas Princess”, 13, na nagsabing ang kanyang ama ay pinagbabantaan siya gamit ang isang baril.
Hindi naman nagawang manlaban ng suspek nang arestuhin ng mga awtoridad hanggang nakumpiska sa kanya ang caliber .38 at siyam na bala.
Sinasabing nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ama hanggang kumuha ng baril ang suspek at tinangkang barilin ang anak na nakatakbo lamang.
Inilagay sa kustodiya ng Pandi MPS ang suspek na nahaharap ngayon sa mga kasong Grave Threat alinsunod sa RA 7610, paglabag sa RA 10591 (Illegal possession of Firearm and Ammunition) at Omnibus Election Code (Gun Ban). (MICKA BAUTISTA)