ISANG lalaki na nagtitigas-gasan sa kanilang lugar ang inaresto ng pulisya matapos manindak at tutukan ng replica hand gun ang nakaalitan sa Bocaue, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala ni Police Lt.Colonel Ronnie Pascua, hepe ng Bocaue Municipal Police Station {MPS}, kay Police Colonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang arestadong suspek ay kinilalang si Jose Gustar, 51, ng Brgy. Biñang 1st, Bocaue, Bulacan.
Ang suspek ay hindi na nakapalag nang arestuhin ng mga nagrespondeng police officers ng Bocaue MPS.
Napag-alamang may nakaalitan si Gustar sa Brgy. Biñang 1st, Bocaue na pinagyabangan niya ng baril kasunod ang pagtutok dito.
Sa pag-aakalang totoong baril ang itinutok sa kanya, sa takot ay nagsumbong ang biktima sa mga tauhan ng Bocaue MPS na kaagad namang nagresponde.
Nang arestuhin ay nakumpiska sa suspek ang isang replica hand gun na sinasabing madalas niyang ipanakot sa mga residente sa lugar.
Mga kasong grave threat kaugnay sa umiiral na Omnibus Election Code ang nakatakdang isampa sa kaso sa suspek na nasa kustodiya ngayon ng Bocaue MPS. (MICKA BAUTISTA)