UPANG makontrol hanggang tuluyang mapigilan ang paglaganap ng African Swine Flu (ASF) sa Bulacan, tumanggap ng mga disinfectant at lambat ang mga Bulakenyong nag-aalaga ng baboy sa ginanap na “BABay ASF: Farm Biosecurity Assistance Program” at “Turn-over Ceremony of Donations from Rotary Club of ChangHwa Central (Rotary International District 3462 Taiwan) in Collaboration with the Rotary Club of Malolos,” sa pangunguna ng Provincial Veterinary Office, nitong Biyernes, 25 Agosto, sa Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center, lungsod ng Malolos.
Nagbigay ng kabuuang 1,500 container (20 liters bawat container) ng Anolyte Advanced Disinfectant ang Rotary Club Malolos kasama ang international partner nito na Rotary Club of ChangHwa Central-Taiwan sa mga backyard pig farmer upang maiwasan ang panibagong ASF outbreak sa lalawigan habang wala pang bakuna laban dito sa kasalukuyan.
Nagkaloob ang Department of Agriculture — Agricultural Training Institution ng isang litrong disinfectant at 25 metro ng lambat bawat isa para sa Swine Sentinel Program batch 3 recipients mula sa Distrito 1 at 6 upang maitaguyod ang pinakamahusay na biosecurity at mga kasanayan sa paghahayupan sa pamamagitan ng upgraded na biosecurity measure gamit ang mga lambat sa bukid at mga disinfectant.
Sa kanyang mensahe, binanggit ni Gob. Daniel Fernando kung paano makatutulong ang mahigpit na pagsunod sa Biosecurity upang mapanatili ang estadong ASF ASF-free.
Pinuri rin ng Gobernador ang mga delegado ng Rotary Club ng ChangHwa Central-Taiwan sa kanilang kabutihang loob at pagbibigay ng tulong sa backyard pig farmers ng Bulacan.
“Sa wakas, matatapos na po ‘yung problema natin sa African Swine Flu. Salamat sa inyong kabutihang-loob. Sa ngalan ng mga taga-Bulacan, nagpapasalamat kami sa pagpapaabot ng malaking suporta sa aming Biosecurity program, ang inyong taos-pusong donasyon ay sumasalamin sa inyong pagpapahalaga sa values ng Rotary Club; upang itaguyod ang integridad, mabuting kalooban at kapayapaan sa buong mundo,” anang gobernador.
Dumalo sa turnover ceremony sina Vice Gov. Alexis Castro, Bokal Romina Fermin, Chief of Staff Atty. Jayric Amil, Provincial Veterinarian Dr. Voltaire G. Basinang, Agricultural Training Institute-Regional Training Center III Center Director Dr. Joey A. Belarmino, Inter-country Committee Philippines Deputy Coordinator Yu-Ting Cheng, Presidente ng Rotary Club ChangHwa Central Wen Yu Hung, Presidente ng Rotary Club Malolos Danny Agustin, Department of Agriculture – Regional Field Office 3 Regional Executive Director Crispulo Bautista, iba pang opisyal ng Rotary Club ChangHwa Central at mga miyembro ng Rotary Club Malolos. (MICKA BAUTISTA)