DERETSO sa kulungan ang tatlong lalaking itinurong responsable sa panghoholdap at snatching sa madilim na bahagi ng C5 Waterfun na nag-viral ang video sa mga insidente ng holdapan sa Taguig City.
Kinilala ng pulisya ang mga nadakip na sina Jeaford Dela Torre, 28; Jhon Paul Dagpin, 20; at Raffy Mirafuentes, 23 anyos.
Base sa ulat ng Southern Police District (SPD), nagkasa ng magkasunod na araw nitong 24 at 25 Agosto ng pinaigting na operasyon ang Taguig City Police Sub-station 3 at 2 sa lugar.
Sa Oplan Galugad, ang mga nakasilbilyang operatiba ang nagmanman sa gabi hanggang madaling araw kung saan natiyempohan ang ilegal na gawain ng mga suspek na umano’y nagkukubli sa dilim para abangan ang mga bibiktimahin.
Nang maobserbahan ang gawain ng tatlong suspek ay sinita sila ng mga operatibang nakasuot sibilyan at nasamsaman ng ilang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800.
Lumutang sa Taguig City Police Station nitong 26 Agosto ng hapon at positibong kinilala ang mga suspek na siyang bumiktima sa kanya.
Pinasalamatan ni SPD Director P/Brig. General Roderick Mariano ang pakikipagtulungan ng concerned citizens, barangay, force multipliers, at lokal na pamahalaan sa matagumpay na pagresolba sa isyu sa C5 Waterfun.
Inirekomenda ng pulisya sa LGU na maglagay ilaw lalo sa madilim na bahagi ng cloverleaf ng Western Bicutan, at ang pagtatabas sa mga sanga na nakaharang sa liwanag ng ilaw, pagpapalit ng pundidong bombilya at paglalagay ng CCTV.
Nangako ang Taguig Police na mas palalakasin ang presensiya ng pulisya sa erya para sa mas ligtas na komunidad. (GINA GARCIA)