BUMAGSAK kulungan ang magdyowang sinabing adik at isa pa, matapos makuhaan ng mahigit P100,000 halaga ng shabu, nang kumagat sa ikinasang buybust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Arestado ang mga suspek na kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan na sina Joseph Sta. Cruz, 55 anyos, at live-in partner nitong si Rodelyn Cayetano, alyas Nine, 32 anyos, kapwa residente sa Block 8, Lot 48, Hito St., Brgy. Longos, habang nadamay ang isang Edgardo Tagalog, alyas Jojo, 40 anyos, residente sa Pampano St., Brgy. Longos, ng nasabing siyudad.
Sa ulat ni Col. Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon Police hinggil sa pamamayagpag ng live-in partners sa pagbebenta ng ilegal na droga kaya isinailalim sa validation.
Matapos magpositibo ang report, agad isinagawa ng mga operatiba ang buybust operation sa Block 9 Hito St., Brgy. Longos na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer, dakong 11:30 pm kasama si Tagalog.
Nakompiska sa mga suspek ang hindi kukulangin sa 16.10 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price value na P109,480 at buybust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)