ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SA isang matagumpay na press conference, ipinakilala ang pinakaaabangang pelikulang Ang Babaeng Ayaw Mamamatay.
Ito ay itatampok sa ilalim ng Inding Indie Production at Janna Dee Production.
Ang pangunahing layunin ng proyektong ito, na pinangungunahan ni Janna Dee ay tumulong sa mga taong may kapansanan at mga nasa kahirapan. Nais din niyang maging kilala bilang Philippine Action Queen sa independent film.
Bukod kay Janna, ang mga makakasama sa naturang pelikula ay sina Diego Salvador, Pikwa, BPM, James, Shirly, Jhastine Rhoque, Renzie, Ivan Co, Ivana Gatia, at marami pang iba, Bagamat hindi pa ganap na kompleto ang script, kaabang-abang ito dahil si Ron Sapinoso, isang kilalang manunulat at direktor, ang siyang sumusulat ng kuwento.
Si Direk Ryan Manuel Favis ay ang executive producer at direktor ng pelikula, na magbibigay-buhay sa konsepto ng proyekto.
Ang pelikula ay maglalaman ng aksiyon, tensiyon, at emosyon na nagmumula sa masusing pagsusuri ng kuwento. Sa likod ng kamera, inaasahan ni Direk Ron na higit pang mapaiigting ang mga aksiyon ng mga artista sa harap ng mga tagpo.
Sa darating na Oktubre, magsisimula ang shooting ng tatlong oras na haba na pelikula sa iba’t ibang kagila-gilalas na lokasyon sa Filipinas. Pinaplano rin ipalabas ang pelikula hindi lamang sa mga sinehan kundi pati sa mga paaralan.
Ang “Ang Babaeng Ayaw Mamamatay” sa gitna ng mga matinding aksiyon at makabagong konsepto, ay magiging inspirasyon at tugon sa pangangailangan ng mga manonood na hinahanap ang kakaibang uri ng pelikula.
Si Janna ay hindi na bago sa showbiz at nakapag-produce na rin ng pelikula with Jeric Raval na may pamagat na “Amasona.”
Nabanggit din ni Janna na siya ay may training sa martial arts at sa paghawak ng baril.