TUMALIMA si Police Regional Office (PRO) 3 chief B/Gen. Jose Hidalgo, Jr., sa kautusan ni Chief PNP P/BGen. Benjamin C. Acorda, Jr., na walisin ang E-sabong sa bansa.
Ang kautusan ay mula kay Secretary of the Interior and Local Government Benhur Abalos, Jr., kaya lahat ng chiefs of police sa nasasakupan ni P/BGen. Hidalgo ay pinaalalahanan na ang “one-strike policy” ay patuloy na ipinatutupad.
Ito ay para sa mga police officials na mapapatunayang nagpapabaya sa kanilang tungkulin at nabigong manmanan ang pamamayagpag ng mga ilegal na aktibidad sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay P/BGen. Hidalgo, Jr., ang mga awtoridad sa Central Luzon ay nagtatrabaho nang husto upang tugaygayan at maipatigil ang operasyon ng ilegal na E-sabong sa rehiyon, simula nang ipagbawal ito sa bansa sa pamamagitan ng Executive Order No. 9 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Dagdag ng opisyal, kasunod ng direktiba mula kay SILG Abalos, Jr., pinaalalahanan at inatasan niya ang lahat ng unit commanders na tiyaking ang E-Sabong at iba pang ilegal na online gaming ay hindi magkakaroon ng puwang sa ating lipunan at ang mga unit commanders ay papapanagutin kapag muling mamamayagpag.
Tiniyak niya na walang kahit sinong tauhan ng PNP ang sangkot sa naturang mga ilegal na aktibidad sa Central Luzon. (MICKA BAUTISTA)