KASALUKUYANG pinaghahanap ng pulisya ang isang indibiduwal na tinakasan ang isinilbing search warrant kaugnay sa pag-iingat niya ng hindi lisensiyadong baril sa Bulacan kamakalawa.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, umaksiyon ang mga tauhan ng SJDM City Police Station (CPS) upang isilbi ang search warrant na inilabas ng MTC Branch 1, CSJDM, Bulacan, sa Towerville, Brgy. Sto. Cristo, SJDM City.
Ang search warrant ay may kinalaman sa sinasabing paglabag ng suspek sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Sa ikinasang operasyon ay nagresulta sa pagkakadiskubre ng kalibre .22 revolver na kargado ng tatlong bala.
Si Julius Samson, 25, target ng search warrant ay sinasabing nakatunog sa operasyon kaya nakatalilis at nanatiling at large.
Ang search warrant ay isinagawa sa harap ng mga lokal na barangay officials, at ang nakompiskang baril ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa pag-aanalisa at safekeeping.
Ayon kay P/Col. Arnedo, ang pulisya sa Bulacan ay patuloy sa kampanya laban sa loose firerams sa buong lalawigan lalo pa’t nalalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre. (MICKA BAUTISTA)