NAMATAY ang 28-anyos babae sa pagkalunod sa isang creek makaraang mahulog sa bubong ng inuupahang bahay habang tinatangkang sagipin ang alagang tuta sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Jose N. Rodriguez Memorial Hospital (JNRMH) ang biktimang kinilalang si Eloisa Gentugao ng Phase 10, Vitarich, Package 3, Block 75, Lot Excess, Brgy. 176 Bagong Silang.
Sa inisyal na ulat na tinanggap ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta mula kay Police Sub-Station-12 commander P/Maj. Darwin Decano, kasama ng biktima ang kanyang live-in partner na si Arcel Royo, 24 anyos, at kaibigan nilang si Roset Larena, 25 anyos, sa pag-iinuman sa loob ng inuupahan nilang bahay.
Sa gitna ng inuman ay nagtalo ang biktimang si Gentugao at kinakasamang si Royo dakong 9:57 pm dahil sa pagseselos ng huli.
Sa galit umano ni Royo, inilagay sa bubungan ng bahay ang alagang tuta ng biktima na pilit kinuha ng babae ngunit bumigay at nasira ang yero dahilan upang mahulog sa malalim na bahagi ng creek sa gilid ng kanilang bahay.
Kaagad humingi ng tulong si Larena sa mga tauhan ng barangay na mabilis na lumusong sa sapa hanggang makuha nila ang katawan ni Gentugao at mabilis na isinugod sa naturang pagamutan.
Dinakip ng mga tauhan ni Maj. Decano si Royo matapos siyang ituro ng testigo na naglagay sa alagang tuta ng dalaga sa bubong.
Iniimbestigahan kung nahulog ba ang biktima matapos bumigay ang yero ng bubong o hindi sinasadyang naitulak ang biktima na dahilan ng kanyang pagkahulog.
Ayon Col. Lacuesta, inihahanda ng mga imbestigador ang presentasyon sa ‘suspek’ sa Caloocan City Prosecutor’s Office para sa isasampang reklamong reckless imprudence resulting in homicide. (ROMMEL SALES)