Sa temang “Mahalin ang Bulacan, Tuklasin ang Kanyang Kasaysayan”, inasahan na ang selebrasyon ngayong taon ay magkikintil ng pagka-makabayan sa mga Bulakenyo at mahikayat sila na tuklasin ang mayaman at makulay na kasaysayan ng probinsiya.
Ganap na ika-8:00 ng umaga nang pangunahan ni Gob. Daniel R. Fernando na kinatawan ni Bise Gob. Alexis C. Castro, ang mga Bulakenyo sa pagdiriwang ng mahigit apat na dekadang pagkakatatag ng Bulacan sa bantayog ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa harapan ng gusali ng Kapitolyo sa Lungsod ng Malolos, Bulacan para sa pag-aalay ng bulaklak.
Sinundan ito ng isang Banal na Misa sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa ganap na alas-8:30 ng umaga.
Pagkatapos ng misa, isang maikling programa ang ginanap na sinimulan sa pagpasok ng watawat ng Pilipinas, kasunod ang pag-awit ng pambansang awit, panunumpa sa watawat ng Pilipinas na pinangunahan ni Iskawt Jelvin P. Miranda mula sa Malolos City Highschool-Bungahan, pag-awit ng Himno ng Bulacan sa pangunguna ng Himig ng Bulakenyo at mga mensahe mula kay Bokal Richard A. Roque, tagapangulo ng Komite ng Turismo, Kultura at mga Sining, at Castro.
Gayundin, nagkaroon ng walk-through exhibit ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na tinawag na Kasaysayan ng Bulacan Mural sa Isidoro Torres Hall sa gusali ng Kapitolyo na nagtampok sa mga nakaraan at kasalukuyang gobernador ng Bulacan, ganap na ika-1:00 ng hapon.
Sinundan din ito ng SINEliksik Bulacan Film Showing sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center.
Hudyat din ang pagdiriwang ng Pagkakatatag ng Lalawigan ng Bulacan sa isang buwang selebrasyon ng Singkaban. (MICKA BAUTISTA)