FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NGAYONG mainit na isyu na naman ang pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea, iminumungkahi ng mga legal at security experts na magsagawa ang Filipinas ng joint patrols katuwang ang mga kaalyado nitong bansa kapag sumabak muli sa resupply mission sa Ayungin Shoal, na buong pagmamalaking nakaestasyon ang BRP Sierra Madre bilang simbolo ng pagmamay-ari natin sa lugar.
Isang magandang estratehiya ang magkatuwang na pagpapatrolya para sa Filipinas, lalo na at naging epektibo ito para sa Malaysia at Indonesia na nakipagtulungan din sa kani-kanilang kaalyado upang ipaglaban ang kanilang soberanya.
Praktikal ang opsiyong ito para sa Filipinas at hindi rin iyong tipong magbubunsod ng digmaan. Sa halip, patutunayan lang nito na mayroon tayong estratehikong alyansa sa Amerika at sa iba pang mga bansa pagdating sa pagtalima sa respetong pangkaragatan.
Ihahayag nito sa mundo na ang kapangyarihan ng pagkakaisa at diplomasya ay nananatiling pinakamabisa laban sa panggigipit. Magbibigay din ito ng malinaw na mensahe sa China na may hindi magandang kahihinatnan ang mga maling ginagawa nito. Layunin ng mga ganitong pagpapatrolya na isulong ang ating katatagan bilang bansa habang binibigyang-diin ang ating paninindigan na ang pandaigdigang pagtutulungan ay laging nakahihigit kaysa anomang komprontasyon.
Kaugnay nito, huwag natin kalilimutan na may inaangkin din na mga teritoryo ang Brunei, Malaysia, Indonesia, at Vietnam sa South China Sea na minamaliit din ng Beijing. Hindi na marahil nakagugulat kung ang mga bansang ito at ang mga makapangyarihan nilang kaalyado, bukod sa Amerika, ay magsanib-puwersa sa sama-samang pagpapatrolya.
Kapag magkasama nang pumalaot ang Filipinas at mga kaalyado nito laban sa naglalakihang alon ng panggigipit, dapat maintindihan ng China na walang plano ang pandaigdigang komunidad na panoorin lang ang coast guard at mga militia ships nito sa paulit-ulit na paglabag sa mga pandaigdigang batas at hindi pupuwedeng balewalain na lang ng Beijing ang 2016 ruling na nagbasura sa pilit nitong pag-aangkin ng teritoryo sa South China Sea.
Saklaan sa Bacoor, jueteng sa Parañaque
Buhay na buhay na naman ang ilegal na sugal, sa pagkakataong ito ay sa Bacoor, Cavite, na nagbabalik-operasyon ang saklaan. Masisisi rito ang umano’y pakikipagsabwatan ng Police Regional Office 4 (PRO4), na may bagong bagman na pumalit kay ‘alyas Billy Joe’ ayon sa mga espiya ng Firing Line.
Kasabay nito, isang pasimuno ng illegal gambling na tinatawag na “Totoy Haruta” ang umaalagwa sa kalapit na Parañaque City sa katimugang Metro Manila.
Ayon sa kanila, sumabak na raw si Totoy Haruta sa malawakang “jueteng” at “EZ-2” sa lungsod, sa tulong ng isang bagong kaalyado na taga-National Capital Regional Police Office (NCRPO) — isang mataas na opisyal na ipinagyayabang niyang tinatawag niya sa pangalang “Tateng.”
May reaksiyon ka ba, Gen. Benjamin Acorda, Jr.?
Nakangingiti pa ba ang mga tumanggap ng ‘pangiti’?
***
Sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo, inamin ng kapitan at may-ari ng MB Aya Express, ang bangkang lumubog sa Binangonan, Rizal, na hindi dumaan sa regulatory inspection ang bangka.
Nabunyag na ang trahedya ng paglubog ng MB Aya Express, na ikinasawi ng 27 katao, ay hindi lamang dahil sa overloading at masamang panahon. Dahil ito sa nakawiwindang na kultura ng ‘pangiti’ na talaga namang nakagagalit.
Ang napakawalang kuwenta na pagbibigay kaligayahan sa mga inspector ng Philippine Coast Guard sa pamamagitan ng saging at kaunting barya ay pagbubunyag sa isang bulok na sistema. Napakaraming buhay ang nawala dahil lang sa kultura ng kompromiso — hindi ito katanggap-tanggap!
Itinanggi ng PCG ang alegasyon, pero anoman ang ikatwiran ng PCG at ng Maritime Industry Authority (MARINA), ang kanilang kapabayaan at magiging pananagutan sa insidente ay kasing linaw ng tubig na nabahiran ng dugo ng mga inosenteng biktima.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).