NAPUNO ng bayanihan at puso ng pagkakaisa ang simula ng Brigada Eskwela ng pamahalaang lungsod ng Taguig at mga stakeholder ng edukasyon sa mga paaralang nasa pangangalaga ng lungsod ng Taguig sa mga barangay ng EMBO.
Mainit at masigla ang pagtanggap kay Mayor Lani Cayetano ng mga opisyal ng Kagawaran ng Edukasyon, mga principal ng paaralan, mga guro, mga estudyante, mga magulang at mga volunteer sa panimula ng programa.
Simula sa Makati Science High School, ang kick-off ceremony ng Brigada Eskwela ay naging matagumpay matapos magkaisa ang grupo ng mga boluntaryo, kabilang ang mga mula sa Taguig City Police Station, National Capital Region Police Office, Southern Police District, Bureau of Fire Protection, pati na rin mga kinatawan mula sa iba’t ibang grupo at organisasyon sa mga barangay EMBO.
Binigyang diin ni Mayor Lani, isa sa mga advocates ang kahalagahan ng edukasyon sa pag-unlad ng komunidad, at mahalaga ang pagkakaisa upang makamit ang layunin ng Brigada Eskwela.
“Ang layunin ng lokal na pamahalaan ay ipahayag ang aming kahandaan na tulungan ang DepEd TAPAT upang matagumpay na maidaos ang isang linggong pagbibrigada. Ang Brigada Eskwela po ay isang national initiative na pinangungunahan ng Department of Education na may layuning hikayatin ang lahat upang makiisa at maihanda ang mga eskwelahang pampubliko para sa pagbubukas ng paaralan. Sa ganitong paraan ay madadatnan ng mga estudyante na malinis, maayos, at komportable ang mga pasilidad para sa kanila,” aniya.
Dagdag ni Mayor Lani, pangako ng lokal na pamahalaan ng Taguig na suportahan ang mga paaralan sa mga EMBO barangay sa pagbubukas ng school year.
Hiniling ng alkalde sa mga opisyal at miyembro ng General Parents Teachers Association na magkaroon ng pang-unawa at pasensiya habang nagaganap ang transisyon o ang proseso ng paglipat, at ipinangako na makikipagtulungan siya nang malapit sa mga school head at opisyal ng division upang tugunan ang mga pangunahing alalahanin ng mga guro at estudyante.
“Marubdob at masigasig akong makikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Department of Education upang masiguro ko na sa pagbubukas ng school year, iyong mga pangamba po ninyo, ‘yung mga agam-agam po ninyo, ‘yung mga katanungan po ninyo, unti unting masasagot, malilinawan, at matutugunan,” aniya.
Idinagdag niya na ang pamahalaang Taguig ay naghanda ng mga school kit na ipamamahagi sa mga mag-aaral sa lalong madaling panahon.
Nagpasalamat din si Mayor Lani sa Philippine National Police sa hindi pagtanggap sa aksiyon ng kapitan ng barangay na nag-utos sa kanyang mga kabarangay na harangan ang mga kalsada patungo sa mga paaralan, at sa agarang pag-aalis ng mga barikada, na maaaring nagdulot lamang ng aberya sa mahalagang okasyon.
Sa bahagi naman ni Dr. Felix T. Bunagan, principal ng Makati Science High School, ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat kay Mayor Lani, sa lungsod ng Taguig, at sa lahat ng mga boluntaryo, sa kanilang suporta sa Brigada Eskwela.
“Alam po natin, hindi lamang sa principal nakasalalay ang pagbubukas ng klase. Hindi lamang po sa (Schools Division Superintendent) nakasalalay ang pagbubukas ng klase. Ang pagbubukas po ng klase ay nakasalalay sa lahat ng stakeholders ng eskwelahan. Kaya po ako’y natutuwa at nakikita natin iyong taos-pusong volunteerism ninyo ngayon. Ang inyong presensiya ay nagpapatunay na lahat tayo ay sama-sama,” aniya.
Kasama rin sa kick-off ceremony si Dr. Cynthia Ayles, Taguig-Pateros School’s Division Superintendent. Ipinunto niya na ang Brigada Eskwela ay tutulong sa layunin ng DepEd na palakasin ang komunidad para sa mga estudyante nito at itanim ang pagmamahal sa bayan.
Buong sigla ang mga boluntaryo sa iba’t ibang gawain tulad ng paglilinis, pagkukumpuni, at pagsasaayos ng mga pasilidad ng mga paaralan.
Isinagawa rin ang mga talakayan ukol sa Positibong Disiplina at Mga Halaga ng Pamilya, Pag-iwas at Pagkontrol sa Pang-aabuso sa Droga, Karapatan ng mga Mag-aaral, at Kalusugan ng Pag-iisip, sa iba’t iba pang paksa, bilang bahagi ng Brigada.
Pagkatapos ng pagbisita sa Makati Science High School, pumunta si Mayor Lani sa Fort Bonifacio High School at Fort Bonifacio Elementary School, na malugod na tinanggap ng mga principal, mga guro, mga estudyante, mga magulang, at mga boluntaryo mula sa komunidad.
Ang mga volunteer ang nanguna sa pag-ikot sa iba pang mga paaralan sa EMBO na inilipat sa Taguig alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng naipanalong territorial issue sa pagitan ng Taguig at Makati.
Ang mga opisyal ng mga paaralang Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Pitogo High School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School, at South Cembo Elementary School ay nagpahayag rin ng kanilang pasasalamat sa suporta ni Taguig Mayor Lani para sa Brigada Eskwela 2023.
Lahat ng mga opisyal ng paaralan ay nagkaroon ng pag-uusap kay Mayor Lani at iba pang opisyal ng lungsod upang planuhin at magkakasabay ang kanilang mga pagsisikap sa unang araw ng Brigada Eskwela at sa pagbubukas ng klase. Ipinangako nilang magtutulungan at mag-aaral mula sa mga best practices ng isa’t isa, na sa kanilang pagsang-ayon, ay magbebenepisyo sa mga estudyante, mga magulang, mga guro, at mga kawani.