HINDI hadlang para sa grupo ng mga persons deprived of liberty (PDLs) mula sa Cebu City Jail-Female Dormitory ang kakulangan sa kalayaan upang matuto at ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Suot ang tradisyonal na puting toga at kasama ang kanilang mga magulang at mga kaanak, nagtapos ang 145 PDLs nitong Lunes, 7 Agosto, mula sa Alternative Learning System (ALS) at tinanggap ang kanilang diploma sa Moving-Up and Graduation Ceremonies na ginanap sa Cebu City Jail-Female Dormitory, sa Brgy. Kalunasan, sa lungsod ng Cebu.
Sa kabuuang bilang, 37 mula sa kanila ang nagtapos ng elementarya habang 108 ang nagtapos ng junior high school.
Ayon kay Jail Supt. Stephanny Salazar, warden ng pasilidad, plano rin nilang magbukas ng senior high school ngayong taong panuruan bilang bahagi ng programa ng Department of Education (DepEd) at ng Bureau of Jail and Management Penology (BJMP).
Ani Salazar, sumailalim ang mga nagtapos na estudyanteng PDLs sa blended learning, o magkahalong face-to-face at online classes.
Sa ilalim ng programa, mayroong “mobile teacher” mula sa DepEd ang nagtutungo sa pasilidad upang magklase sa loob ng isang buong araw.
Tinutulungan ng mga tauhan ng BJMP na dating mga guro ang “mobile teacher” sa kanyang pagtuturo.
Dagdag ni Salazar, bahagi ang programang misyon ng BJMP na magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga PDL.
Dinaluhan ni Jail Chief Supt. Neil Avisado, direktor ng BJMP – Central Visayas ang programa.
Pahayag ni Avisado, ang ALS ay mabuting programa para sa mga PDL na hindi nabigyan ng oportunidad magkaroon ng diploma habang nasa labas ng piitan at ito ang magsisilbing una nilang hakbang sa pagtupad ng kanilang mga pangarap.