PATAY ang isang hinihinalang hired gunman, iniuugnay sa pagpaslang kay Gov. Roel Degamo,nang pumalag sa pag-aresto ng mga awtoridad sa Negros Oriental nitong Lunes, 31 Hulyo, sa Brgy. Malabugas, lungsod ng Bayawan.
Kinilala ang suspek na si Alex Mayagma, residente sa Brgy. Minaba, sa nabanggit na lungsod, nakipagpalitan ng putok sa mga pulis at sundalong maghahain sa kanya ng warrant of arrest.
Ayon kay P/ Col. Ronan Claravall, acting Provincial Director ng Negros Oriental PPO, mahigit isang buwan na nilang minamanmanan si Mayagma na wanted dahil sa kaugnyan niya sa ilang mga insidente ng pamamaslang sa lalawigan.
Dagdag ni Claravall, sinisiyasat din ng mga imbestigador ang posibleng kaugnayan ni Mayagma sa mga suspek kaugnay sa pamamaslang kay Gov. Roel Degamo noong 4 Marso sa bayan ng Pamplona.
Lumabas sa imbestigasyon, dakong 10:55 am kamakalawa, sisilbihan ng mga pulis at sundalo si Mayagma ng warrant of arrest sa Brgy. Malabugas nang bumunot ang huli ng baril at itinutok sa isang pulis.
Nagawang madisarmahan ng mga alagad ng batas si Mayagma ngunit nakabunot uli siya ng pangalawang baril, dahilan upang unahan siyang barilin ng mga operatiba.
Dinala si Mayagma sa Bayawan District Hospital kung saan siya idineklarang wala nang buhay ng doktor.
Ayon kay P/Lt. Stephen Polinar, PIO ng Negros Oriental PPO, nakatala si Mayagma bilang most wanted person (MWP) sa buong rehiyon ng Central Visayas.
Lumutang ang pangalan ni Mayagma sa gitna ng mga hearing sa Senado nang iniimbestigahan ang pamamaslang kay Degamo at iba pang insidente ng pagpatay sa Negros Oriental. ###