INIULAT ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at ng Office of the Civil Defense ang pagkawala ng isang Cessna plane nitong Martes ng hapon, 1 Agosto, matapos umalis ng Laoag, Ilocos Norte at bigong makarating sa Tuguegarao Airport, sa lalawigan ng Cagayan.
Nakatakdang lumapag ang Cessna 152 plane (RPC-8598) sa Tuguegarao airport dakong 12:30 pm kahapon ngunit naniniwala ang mga awtoridad na napilitang mag-emergency landing ito o bumagsak sa isa man sa mga kalapit na lalawigan ng Apayao, Abra, o Kalinga.
Ayon kay Rogelio Sending, Jr., Cagayan Provincial Information Officer, sakay ng eroplano sina Capt. Edzel John Lumbao Tabuzo, ang piloto, at student pilot na si Anshum Rajkumar Konde, isang Indian national.
Dagdag ni Sending, huling nakita ang eroplano 32 nautical miles mula sa Alcala, Cagayan.
Samantala, hinihintay maglabas ng pahayag ang may-ari ng Cessna plan — ang Echo Air International Aviation Academy, Inc., kaugnay sa insidente.