AABOT sa 25 bahay ang nasira matapos bumigay at gumuho ang lupang kinatitirikan sa Brgy. Tambo, sa bayan ng San Leonardo, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Linggo ng umaga, 30 Hulyo.
Ayon kay Zenaida Gutierrez, barangay secretary sa nasabing lugar, una nilang naramdaman na dahan-dahan ang pagguho bandang 4:00 am kamakalawa at tuluyang bumaba ang lupa dakong 8:00 am.
Tinatayang nasa 28 pamilya o 108 indibidwal ang naapektohan ng pagguho na sa kabutihang-palad ay walang nasugatan o nasawi sa insidente, ayon sa opisyal ng barangay.
“Walang casualties kasi umaga na nangyari pero kung nangyari ‘yan ng gabi baka maraming (nasaktan) pero thank God po na umaga so wala na pong mga tao ang bahay. Wala din kaming injuries, ‘yung mga pets po na-save din pero ‘yung mga manok, may isang kulungan na sa tubig bumagsak,” pahayag ni Gutierrez.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga residente sa isang evacuation center sa nabanggit na bayan dahil hindi muna sila pinayagang bumalik sa apektadong lugar. (MICKA BAUTISTA)