BINAWIAN ng buhay ang isang dating barangay chairman na kilala sa kanyang ugnayan sa Bangsamoro peace-building activities, at kanyang anak nang tambangan sa bayan ng Matalam, lalawigan ng North Cotabato, nitong Linggo, 30 Hulyo.
Kinilala ni P/Lt. Col. Arniel Melocotones, hepe ng Matalam MPS, ang mga biktimang sina Anwar Ebrahim Salem, 52 anyos, at kanyang anak na si Anwar Salem, Jr., 21 anyos, kapwa residente sa Brgy. Arakan, sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Melocotones, hinarang at pinagbabaril ng hindi kilalang mga suspek ang mag-amang magkaangkas sa motorsiklo dakong 6:00 pm kamakalawa.
Agad namatay ang ama samantalang tuluyang pumanaw ang kanyang anak habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Nabatid na miyembro ang nakatatandang Salem ng Bangsamoro Council of Elders, isang civic organization na tumutulong na ayusin ang mga hidwaan at “rido” sangkot ang mga pamilyang Moro sa Matalam.
Nagsilbi rin si Salem, Sr., bilang chairman ng Brgy. Arakan at pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC).
Dagdag ni Melocotenes, pauwi na ang mag-amang biktima nang tambangan sa Sitio Lambayao, Brgy. Kibia.
Pahayag ni Melocotones sa isang panayam sa readyo, maaaring personal na galit ang motibo sa pamamaslang sa dating barangay chairman.
Malayo rin umanong may kaugnayan ang krimen sa nalalapit na halalang pambarangay dahil nagpahayag na sa publiko si Salem, Sr., na hindi siya tatakbo sa kahit anong posisyon.