SUGATAN ang isang barker nang sumabog ang inihagis na hand grenade ng isa sa mga nakamotor na suspek sa isang terminal ng bus sa lungsod ng Cotabato, nitong Lunes ng madaling araw, 31 Hulyo.
Ayon kay P/Maj. John Vincent Bravo, hepe ng Cotabato City Police Station 2, sumabog ang granada sa gate ng Husky Bus terminal na nasa kahabaan ng national highway sa Esteros district ng nabanggit na lungsod.
Sa kasalukuyan, wala pang umaamin kung sino ang nasa likod ng insidente ngunit naniniwala ang mga imbestigador na pagbabanta ito sa kompanya ng bus na naiulat na pinagtatangkaang kotongan ng isang grupo.
Dahil sa insidente, ipinagpaliban ang unang biyahe ng bus na dapat ay aalis patungong lungsod ng General Santos bago mag-6:00 am dahil sa pagsasagawa ng post-blast probe ng mga bomb expert.
Noong 31 Mayo ng kasalukuyang taon, habang isinasagawa ang regional competition ng Palarong Bangsamoro Region in Muslim Mindanao Athletic Association’s (BARMMAA) sa lungsod, tatlong improvised explosive devices (IED) na nakatanim sa parehong bus terminal ang ligtas na na-detonate ng mga awtoridad.
Noong 17 Abril, sugatan ang hindi bababa sa anim na pasahero nang sumabog ang isang IED sa loob ng isang bagong double-decker bus sa isang public terminal sa Isulan, Sultan Kudarat.