NAAAGNAS na nang matagpuan ng mga lokal na mangingisda ang isang fetus malapit sa isang fish cage sa coastal barangays ng Naungan, sa lungsod ng Ormoc, lalawigan ng Leyte nitong Sabado, 29 Hulyo.
Dahil naaagnas na, hindi na matukoy ang kasarian ng fetus.
Ayon kay P/SSgt. Jemelito Ignacio, imbestigador ng kaso, dakong 5:35 pm kamakalawa, nakatanggap ng tawag sa telepono ang duty desk officer sa Police Station 4 kaugnay sa natagpuang fetus na nasa estado ng dekomposisyon.
Agad tinungo ng mga awtoridad ang lugar upang beripikahin ang ulat at doon nila natagpuan sa dalampasigan ang sinasabing fetus.
Ani Ignacio, unang nakakita sa fetus, ang mangingisdang kinilalang si Emmar Dajab, 46 anyos.
Ayon kay Dajab, kagagaling niya sa fish cage nang makita ang naaagnas na fetus habang inaayos ang kanyang bangka sa dalampasigan ng Brgy. Naungan dakong 5:00 pm.
Naniniwala ang mga awtoridad na galing ang fetus sa ibang lugar at maaaring inanod lamang patungong Brgy. Naungan.