TATLONG bayan sa lalawigan ng Pampanga ang idineklarang nasa ilalim ng ‘state of calamity’ dahil sa pagbahang dulot ng bagyong Egay (international name: Doksuri) at walang tigil na pag-ulan hatid ng habagat.
Nitong Linggo, 30 Hulyo, nagpasa ang Sangguinang Pambayan ng Sto. Tomas ng resolusyong nagdedeklarang ang bayan ay nasa ‘state of calamity’ na inaprobahan ni Acting Mayor Matias Pineda.
Sa resolusyon, sinabi ng mga opisyal ng bayan na mayroon nang 2,587 pamilya o 9,339 residente sa pitong barangay sa Sto. Tomas ang apektado ng pagbaha at umaabot na sa P7.25 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikulutura at pangingisda.
Nitong Sabado, 29 Hulyo, nauna nang nagpasa ng resolusyon ang mga konseho ng mga bayan ng Macabebe at San Simon na nagdedeklarang ang kanilang mga bayan ay nasa state of calamity.
Ayon sa mga opisyal ng Macabebe, aabot sa P119.3 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura at pangingisda, at 24,561 pamilya o 79,200 indibidwal na ang apketado ng mga pagbaha.
Dagdag nila, mayroon nang 612 katapo ang dinala sa mga evacuation facilities.
Naipasa at naaprobahan ang resolusyon ng mga opisyal ng San Simon, na 14 barangay ang apektado ng pagbaha at humihiling ang mga apektadong pamilya ng tulong mula sa pamahalaan.
Sa kanyang social media post nitong Linggo ng hapon, ipinahayag ni Pampanga Governor Dennis Pineda na maaari nang gamitin ang Macabebe, San Simon, at Sto. Tomas ang kanilang 30 porsiyentong quick reaction funds upang maayudahan ang mga pamilya at mga indibidwal na apektado ng pagbaha.
Nagbuhos ng ulan ang bagyong Egay sa Luzon simula noong Lunes ng nakaraang linggo bago tuluyang mag-landfall sa Aparri, Cagayan noong Miyerkoles.
Umalis ito ng bansa noong Huwebes, 27 Hulyo, ngunit pinag-ibayo ang epekto ng habagat na patuloy na nagpapaulan nitong Biyernes at Sabado sa hilagang bahagi ng Luzon.