NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang indibiduwal na matagal nang minamanmanan dahil sa ilegal na pagbebenta ng mga baril, sa operasyong isinagawa sa bayan ng Pulilan, lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 29 Hulyo.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, kinilala ang arestadong suspek na si Joshua James Santos ng Brgy. Tibag, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat mula kay P/Maj. Dan August Masangkay, hepe ng CIDG Bulacan PFU, namuno sa operasyon, nagkasa sila ng buybust operation laban sa suspek sa Brgy. Tibag at isang pulis ang itinalagang poseur buyer upang bumili ng isang kalibre .22 Magnum.
Nang magkaabutan ang dalawa ng baril at marked money, dito dinakip ng mga nakaantabay na mga operatiba ang suspek na hindi na nagawa pang makapalag.
Nakompiska mula sa supspek ang isang kalibre .22 magnum revolver na walang serial number, isang sling bag, isang pirasong P1000 bill na marked money, at apat na pirasong P1000 bill computerized boodle money.
Napag-alamang ang suspek ay matagal ng minamanmanan ng mga awtoridad sa ilegal na gun running activities sa Bulacan at karatig-lalawigan.
Dinala ang suspek sa CIDG Bulacan PFU para sa dokumentasyon at angkop na disposisyon habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act na isasampa sa korte laban sa suspek. (MICKA BAUTISTA)