Sa masigasig na pagsisikap at maayos na pagkilos, naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki na pinaniniwalaang responsable sa pangloloob sa mga lokal na convenience store sa Sto. Tomas, Pampanga.
Ang mga operatiba ng Sto.Tomas MPS na pinamunuan ni PLt John Kevin Co, DCOP sa ilalim ng superbisyon ni PCpt. Jester Calis, COP, ay nagresponde sa ulat ng nakawan at maagap na naglunsad ng komprehensibong imbestigasyon sa insidente na nagresulta sa pagkakakilanlan kasunod ng pagkaaresto sa pangunahing suspek.
Kinilala ang suspek na si Eddie Mutya y Blanco, 25 at residente ng Brgy. Sto. Niño Sapa, Sto Tomas, Pampanga na naaresto na rin noong 2020 sa kasong Carnapping at noong 2017 para sa pagnanakaw.
Nakumpiska kay Mutya ang kinulimbat na cash mula sa niloobang convenience store na nagkakahalagang Php3,310.00, powdered milk halagang Php1,656.00 at cigarette products na halagang Php11,263.00.
Matapos maaresto, si Mutya ay inilagay sa kustodiya ng Sto Tomas MPS at nahaharap kaugnay sa naganap na insidente ng robbery.
Ayon kay PRO3 Director PBGeneral Jose s. Hidalgo Jr., ang pagkakadakip kay Mutya ay katibayan na propesyonalismo at dedikasyon sa kanilang trabaho ng kanilang mga tauhan. (Micka Bautista)