Isang notoryus na tulak ng iligal na droga ang naaresto sa iniumang na pain ng pulisya sa Pulilan, Bulacan kahapon, Hulyo 26.
Sa ulat na ipinadala ni PLt.Colonel Jerome Jay Ragonton, hepe ng Pulilan Municipal Police Station (MPS) kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nakasaad na dakong alas-12:10 ng madaling araw kahapon, ang Pulilan MPS ay nagsagawa ng matagumpay na drug sting operation sa Brgy. Longos, Pulilan, Bulacan.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkaaresto kay Algin Cruz, 44, na residente ng Caingin, Bocaue, Bulacan.
Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang sa 34.12 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may standard drug price na PhP232, 000, gayundin ang marked money na ginamit sa operasyon.
Napag-alamang ang suspek ay nasa watchlist na ng Pulilan MPS at bumibiyahe ito ng iligal na droga tuwing madaling araw upang makaiwas sa mata ng batas.
Subalit naging matalas ang mga intel operatives ng nasabing istasyon at sa kanilang pagpupunyagi ay nagresulta ito sa pagkaaresto ng naturang tulak.
Si Cruz ang itinuturong nagkakalat ng iligal na droga sa Pulilan at mga karatig-bayan nito. (MICKA BAUTISTA)