MATAPOS ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nanawagan si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) National President South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo, Jr., ng pagkakaisa at patuloy na pag-unlad at progreso ng bansa.
Kasunod nito ang pag-anib sa PFP ng ilang mga gobernador at nanumpa matapos ang SONA ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Tamayo, ang Pangulo bilang National Chairman ng kanilang partido ay kanilang lubos na sinusuportahan at laging nasa likod sila nito sa lahat ng kanyang programa para sa ating bansa at sa mga mamamayan.
Si Tamayo ay kasalukuyang Pangulo ng Governors League of the Philippines na kapartido ng Pangulong Marcos nang siya ay maihalal bilang presidente.
Ikinatuwa ni Tamayo ang mga ibinahagi ng Pangulo sa kanyang SONA na aniya’y maliwanag na nagpapakita ng tamang landasin para sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi ni Tamayo, maliwanag sa SONA ng Pangulo ang pagtalakay sa lahat ng departamento ng pamahalaan at sektor ng ating lipunan maging ang mga future plan ng pamahalaan para sa ating bansa at mga mamamayan.
“Let us hold steadfast to these principles, for they are the cornerstones of our party’s foundation and the path towards a stronger and more united Philippines,” diin ni Tamayo.
Naniniwala si Tamayo, mahalagang ang national government patungo sa local government ay naka-align upang tiyak na mapakinabangan ng komunidad ang serbisyo ng pamahalaan at mas marami pa ang mapagkalooban ng nito.
Inamin ni Tamayo, mayroong utos sa kanya na dapat ay patibayin ang ugnayan sa grassroots at local government nang sa ganoon ay matiyak na maibibigay nang tama at maayos ang serbisyo sa mga mamamayan.
Tinukoy ni Tamayo, sa kasalukuyan ay mayroon na silang 25-30 gobernador na miyembro ng PFP. Aniya, maituturing itong supermajority sa hanay ng 80 gobernador sa Filipinas na nahahati sa iba’t ibang partidong kinabibilanganan.
Umaasa si Tamayo, aabot hanggang 40 gobernador ang manunumpa at magiging miyembro ng PFP ngunit nabalam dahil hindi nakakuha ng biyahe patungong Manila.
Tiniyak ni PFP Manila Chapter Chairman Atty. Alex Lopez, suportado nila nang buong-buo ang Pangulo sa lahat ng adhikain at programa nito para sa mga mamamayan at bansa.
“Our commitment to a Federal System of governance is rooted in the belief that decentralization of power and resources will pave the way for a more equitable distribution of opportunities and benefits to every region of our country,” ani Lopez.
Matapos ang SONA ng Pangulo, agad nagpulong ang mga gobernador upang higit na ipakita ang suporta sa Pangulo at pasasalamat sa serbisyong ipinakikita sa bayan.
Sa katatapos na pulong ng mga gobernadora, ilan sa kanila ang nanumpa bilang miyembro ng PFP kabilang sina Davao de Oro Governor Dorothy Gonzaga, Albay Governor Edcel Grex Alexandre Burce Lagman at Aurora Governor Christian Novera.
Aminado si Lagman na nagpaalam siya sa kanyang amang si Rep. Edcel Lagman, kilalang oposisyon ng kasalukuyang administrasyon, at ipinaubaya sa kanya ang pagdedesisyon.
Kabilang sa mga gobernador na nagpakita ng suporta sa mga bagong miyembro ng PFP ay sina Batanes Governor Marilou Cayco, Camarines Norte Ricarte “Dong” Padilla, Zamboanga Sibugay Governor Ann Hofer, Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib, at South Cotabato Deputy Gov. Bienvenido Barroso. (NIÑO ACLAN)