Wednesday , December 25 2024

Extortion o E-games?

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

INTERESANTE ang kuwento ng limang tauhan ng Manila Police District (MPD) na binansagang ‘kotong’ cops dahil sa akusasyon ni Mang Hermi, ang 73-anyos may-ari ng Brexicon Internet Cafe sa Matimyas Street, Sampaloc, Maynila.

Mas madali marahil paniwalaan na ang limang pulis ng MPD — sina Staff Sergeants Ryann Paculan at Jan Erwin Isaac, Cpl. Jonmark Dabucol, at Patrolmen Jeremiah Pascual, at Jhon Lester Pagar — ay nangikil at/o nagnakaw ng P43,500 mula sa shop ni Mang Hermi.

         Pero ang bersiyon na ito ng mga pangyayari ay nagbigay sa akin ng maraming katanungan.

Una, kamangha-mangha ang halagang iyon ng kita ng isang hindi kalakihang internet shop. For the record, walang pruweba na mayroon ngang ganoong halaga ng pera. Pero para igiit iyon ni Mang Hermi, mapapaisip ka: napakalakas ba ng negosyo ng Brexicon Internet Cafe para magkaroon ng ganoon kalaking cash? O may kaugnayan ba ito sa sinasabi ng MPD intelligence team na ilegal daw na nag-o-operate ng e-games ang establisimiyento?

Pangalawa, kung talagang lehitimo ang operasyon ng internet café, bakit walang anomang record, sa kanilang address sa Sampaloc, sa Bureau of Permits ng pamahalaang lungsod ng Maynila? Isa pa, bakit naman ito pag-iinteresan ng sinumang extortionist?

         Depensa ng MPD team na inaakusahan ng extortion, binaligtad daw sila dahil tumanggi sila sa umano’y alok ni Mang Hermi na aabutan sila ng lingguhang protection payola na P4,000. Kung totoo ito, magsisilbi itong paliwanag kung bakit iginigiit ng negosyante ang alegasyong kotong laban sa mga pulis.

Sasabihin n’yo marahil na hindi maglalakas-loob gumawa ng kuwento laban sa limang pulis ang isang matanda. Maliban na lang siguro kung ang matandang ito ay may itinatagong alas laban sa mga kings o jacks.

Nakatanggap ako ng impormasyon na sinabihan umano ni Mang Hermi ang grupo ng mga pulis na huwag nang magtangkang galawin siya dahil protektado raw ang establisimiyento ng isang may posisyong heneral.

         ‘Di ko na sana papatulan ang “he says, she says” nila, pero naiintriga ako na kung nanloloko lang si Mang Hermi tungkol sa proteksiyong ibinibigay sa kanya ng isang heneral, paanong itinanggi ng hepe ng MPD intel team na si Capt. Rufino B. Casigan na may nalalaman ito tungkol sa operasyon ng sariling mga tauhan?

Ano ang pumipigil kay Capt. Casigan na amining siya ang humiling ng sertipikasyon mula sa Bureau of Permits nitong Hulyo 10, 2023, maliban lang kung isang mas mataas ang posisyon ang nagpatahimik sa kanya.

Hindi yata kapani-paniwala na magkakasa ng ganoong operasyon ang mga pulis nang hindi ipinapaalam sa kanilang immediate supervisor, kaya nagpataas ng kilay ng marami ang kontradiksiyong ito sa pahayag ng kapitan. Mayroon marahil paraan ng komunikasyon sa pagitan niya at ng kanyang mga tauhan para kumilos siya tungkol sa sertipikasyon, ‘di ba?

Sa harap ng mga hindi pagkakatugma-tugmang ito at base sa mga ebidensiyang iprenisinta ng mga pulis, mahalagang tutukan ang kasong ito nang may makatwirang pagdududa. Bagamat seryoso ang alegasyon laban sa mga pulis, ang hindi nagkakatugmang mga pahayag at ang kawalan ng ebidensiya sa panig ng negosyante ay nangangailangan ng masusi at patas na imbestigasyon upang malantad ang katotohanan sa likod ng mga akusasyong ito.

Umaasa akong itatalaga ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda ang pinakamahuhusay niyang imbestigador sa kakatwang kasong ito at, kung posible, ay hanapin ang nawawalang hard drive na naglalaman ng CCTV footage ng tunay na nangyari sa munting shop — extortion nga ba o e-games na ilegal na pinoprotektahan?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …