Iniutos ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang suspensiyon sa lahat ng level ng klase sa mga paaralan at trabaho sa pampubliko at pribadong tanggapan sa lalawigan kahapon, Hulyo 24, dahil sa inaasahang malalakas na buhos ng ulan na dulot ng bagyong “Egay” at sa iniambang tatlong araw na tigil-pasada ng grupo ng mga jeepney drivers at operators.
Inilabas ni Fernando ang Memorandum DRF No.07232023-352na may petsang Hulyo 23, 2023, na nag-uutos sa lahat ng alkalde sa mga lungsod at munisipalidad, gayundin ang mga pampubliko at pribadong tanggapan na pahintulutang magsagawa ng mga hakbang sa pag-iingat at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.
Subalit ang mga ahensiya o mga tanggapan na nagbibigay ng basic health services, disaster preparedness, calamity response, at ibang pangunahing tungkulin ay mananatiling operasyonal.
Nanawagan din ni Fernando, na siya ring chairman ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, para sa koordinasyon ng mga local government unit sa lalawigan, kabilang ang Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, Philippine Army, rescue teams at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Sa ulat ng Pagasa, kahapon, alas-11:00 ng umaga, Hulyo 24, ang Bulacan ay nasa Typhoon Cyclone Wind Signal (TCWS) #1, kabilang ang Metro Manila.
Hindi naman gaanong naramdaman sa Bulacan ang ipinanawagang 3-day Tigil Pasada ng Manibela laban sa PUV modernization program. (MICKA BAUTISTA)